Dismayado ang ilang senador dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin nakukumpleto ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamamahagi ng subsidiya sa mga apektadong mahihirap na pamilya dahil sa implementasyon ng tax reform law.
“With the inflation, tapos nade-delay pa yung additional na tulong sa kanila, talagang yung mga kababayan natin talagang hirap, mas mahihirapan.” – pahayag ni Senator Nancy Binay.
24 billion pesos ang nakalaang budget para sa unconditional cash transfer program sa taong ito. Binahagi ang budget sa tatlong programa na sa kabuuan ay nasa sampung milyong pamilya ang makikinabang dito.
Nais naman ni Senate Committee on Economic Affairs Chairman Sherwin Gatchalian na gawing 450 ang kasalukuyang 200 pesos na cash subsidy. Ito ay bilang paghahanda aniya sa napipinto na namang pagtaas sa presyo ng diesel at gasoline sa taong 2019 dahil sa TRAIN law.
Naghain naman ng panukalang amiyenda sa tax reform law si Senator Bam Aquino.
Batay sa panukala, otomatikong masususpinde ang implementasyon ng probisyon ng pataw na excise tax sa produktong petrolyo kapag lumagpag ito sa target na inflation rate ng pamahalaan.
Sa Kamara naman, nais ipawalang bisa ng Makabayan congressman ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.
Sa House Bill Number 7653, nakasaad na dapat ibalik sa orihinal ang National Internal Revenue Code o ang mga buwis na pinapataw sa produktong petrolyo, sweetened beverages at iba pa.
( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )
Tags: DSWD, mambabatas, tax reform law