Dagdag suporta sa Marikina Shoe Industry, isinusulong ni Sen. Villar sa DTI

by Radyo La Verdad | September 16, 2022 (Friday) | 9229

METRO MANILA – Hinikayat ni Senator Mark Villar ang Department of Trade and Industry (DTI) na magbigay ng dagdag suporta para sa industriya ng sapatos sa Marikina City sa ginanap na Senate Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship hearing nitongHuwebes (September 15).

Hiling ni Sen. Villar kay DTI Undersecretary Blesina Lantayona na kumuha ng mga ekspertong makagagawa ng mga sapatos na makakapantay sa International Shoe Market at magsagawa ng mga pagsisiyasat at mga pagsasanay para tumaas ang kalidad ng ginagawang produkto ng mga stakeholder.

Gayundin, hiningi rin ng senador ang listahan ng mga produkto ng bawat local government unit (LGU) na nasa ilalim ng One Town One Product (OTOP) program.

Aniya, mayroong mabubuting local manufacturers sa Marikina at dapat suportahan ang mga ito upang maabot ang mas mataas na antas at makakakumpetensya sa pandaigdigang pamilihan.

Tiniyak naman ni DTI Undersecretary Lantayona kay Villar na ibibigay ng DTI ang buong makakaya upang masuportahan ang industriya lalo at kakatapos lamang pasinayaan ng ahensya ang isang incubator facility at namahagi ng kagamitan at makabagong teknolohiya sa mga sapatero sa syudad.

(Ritz Barredo | La Verdad Correspondent)

Tags: , ,