Dagdag SSS Pension maibibigay lang kung itataas ang SSS contributions

by Radyo La Verdad | January 19, 2016 (Tuesday) | 1557

sss-president-and-ceo-emilio-de-quiros
Walang ibang nakikitang paraan ang Social Security System upang madagdagan ang pensyon ng mga SSS pensioner kundi itaas din ang monthly contributions.

Ito ang sinabi ni SSS President and CEO Emilio de Quiros matapos i-veto ni Pangulong Aquino ang panukalang dagdag 2-libong piso ng mga pensioner ng SSS.

Ayon kay De Quiros walang ibang pagkukunan ng pondo ang SSS kundi ang koleksyon sa mga miyembro.

Sinabi pa ni De Quiros, kung tutuusin hindi na lugi ang mga SSS pensioners dahil sa kada pisong kontribusyon nito, 15-piso ang ibinabalik ng SSS.

Ipinaliwag din ni De Quiros na kung ipipilit ang pagtataas sa SSS pension mababangkarote na ang SSS labing isang taon mula ngayon.

Sa komputasyon nito mangangailangan ng dagdag na 4.3-billion pesos kada buwan o 56-billion pesos kada taon.

Ngayong taong 2016 ang projected net revenue ng SSS ay 41-billion pesos at kung naisabatas ang pension increase malulugi agad ng 26-billion pesos ang SSS ngayong taon at aabot sa 130-billion net revenue loss sa taong 2028.

Maaapektuhan rin ang mga miyembro na magiging pensioners pa lang ng SSS sa mga susunod na taon.

Subalit ayon kay Bayan Muna Party list Rep. Neri Colmenares, maaari namang magbigay ng subsidy ang pamahalaan sa SSS kung kukulangin ito ng pondo.

Kaya hindi maaaring i-dahilan ng SSS na malulugi at mababangkarote ito.

Desidido si Colmenares na i-override ang veto ni Pangulong Aquino sa pamamagitan ng 2/4 votes sa kongreso at senado.

Walang ni isang kongresista ang tumutol sa panukalang SSS pension increase nang ipasa ito ng kongreso.

Makikiusap siya sa mga kasama niyang kongresista na panindigan ang batas na kanilang ipinasa para sa mga senior citizen.

Sakaling mabaliktad ng kongreso ang veto ni Pangulong Aquino handa naman daw ang SSS na sumunod sa batas.

Samantala plano namang sulatan ni Speaker Feliciano Belmonte Jr. si Pangulong Aquino upang aprubahan ang panukalang isang libong dagdag pension sa halip na dalawang libo.

Suhestiyon ni SSS President and CEO Emilio de Quiros na dapat unti-unti nang itaas ang kontribusyon sa SSS upang upang may sapat na pondo ang institusyon at matugunan ang dagdag na pension.

(Grace Casin/UNTV News)

Tags: , ,