METRO MANILA – Tatlong taon na ring walang galaw sa kasalukuyang rate sa tubig kaya kailangan na umanong magdagdag-presyo ng Maynilad at Manila Water.
Batay sa rate rebasing, P8.04 kada cubic meter ang hirit na dagdag-singil ng Manila Water sa unang taon o 2023.
Ibig sabihin, kung 20 cubic meters halimbawa ang konsumo ay higit P160 agad ang magiging taas-singil.
Samantala, inflation lang muna ang ipapatong na dagdag-singil ng Maynilad sa Enero, na katumbas ng P3.29 kada cubic meter.
Nangako ang manila water na gagastos ng higit P180-B para sa iba’t ibang proyekto upang mapaganda ang serbisyo sa susunod na 5 taon, pero ang kapalit nito’y taas-singil na aabot ng P20 kada cubic meter.
Nasa P163-B naman ang gagastusin ng Maynilad hanggang 2027 pero kapalit ay taas-presyong aabot ng P14 kada cubic meter sa loob din ng 5 taon.
Ang 9 na miyembro ng MWSS board ang magpapasya kung aprubado o hindi ang hirit na adjustment.
Kapag nailabas na ang desisyon, ipa-publish ang bagong water rates sa kalagitnaan ng Disyembre at magiging epektibo sa 2023.