Dagdag-singil at pagtaas ng presyo ng mga serbisyo, huwag pagsabayin – Consumer group

by Radyo La Verdad | December 29, 2017 (Friday) | 3398

Umapela ang grupo ni Laban Konsyumer President Vic Dimagiba kay Pangulong Duterte upang hindi magsabaysabay ang mga dagdag-singil ay bayarin sa susunod na taon. Kabilang na dito ang dagdag-singil sa tubig at iba pang maapektuhan ng dagdag buwis.

Ngayong buwan lamang ay nilagdaan ni Pangulong Duterte ang unang bahagi ng Comprehensive Tax Reform Program ng administrasyon at isang epekto nito ay ang pagtaas ng presyo ng langis.

Tataas rin ang ilang presyo ng bilihin sa 2018 gaya ng kape at softdrinks dahil sa dagdag tax sa sugar-sweetened beverages at bahagya ring maapektuhan ang presyo ng kuryente dahil sa dagdag na tax sa coal.

Kamakailan ay inaprubahan ng MWSS ang dagdag-singil sa tubig. Simula Enero 2018, halos pisong dagdag sa singil ng Maynilad habang sobra singkwenta sentimo naman sa Manila Water.

Pinayuhan naman ng consumer group ang publiko na maging matalino pagpasok ng 2018, maaaring gumamit ng ilang serbisyo gaya ng self service laundry shop kapalit ng ilang mga gawaing pambahay.

Ayon naman kay Maria Fe na nagmamay-ari ng isang self service laundry shop, posible na magtaas sila ng singil kapag naipatupad ang dagdag singil sa tubig.

Hanggang ngayon ay hinihintay ng grupong Laban Konsyumer ang tugon ni Pangulong Duterte sa kanilang petisyon na huwag pagsabaysabayin ang dagdag-singil at presyo ng ilang serbisyo at pangunahing bilihin pagpasok ng taong 2018.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,