METRO MANILA, Philippines – Muli namang nanawagan ang isang grupo ng mga guro na itaas ang kanilang buwanang sahod.
Ayon naman kay Secretary Leonor Briones, pinag-aaralan pa ng Department of Budget and Management ang hiling na umento sa sahod ng mga guro.
Kasabay ng pagbubukas ng klase kahapon, June 3, 2019, muling nanawagan ang grupo ng mga guro sa pamahalaan ang matagal na nilang kahilingan na dagdagan ang kanilang sahod.
Ayon kay Wilhelmina Vibar ng Alliance of Concerned Teachers Malabon, hindi sapat ang P20,000 monthly minimum salary ng isang teacher upang tustusan ang lahat ng kanyang pangangailangan.
Mayroon man ang gobyerno na binibigay sa atin through MOOE, at mayroon ding tulong ng local government, pero parang hindi pa rin sapat. Kakulangan pa rin. Kaya ang teacher, humuhugot pa rin sa sarili nilang bulsa para mapaganda ang classroom, para maging kaiga-igaya maayos sa pasukan,” ayon sa Grade 4 Teacher & ACT President- Malabon Wilhelmina Vibar.
Apela ng grupo sa pamahalaan, doblehin ang sweldo ng mga guro gaya ng ginawa ng Pangulo sa sahod ng mga sundalo at pulis.
Ayon naman sa Department of Education, kasama ang pagbibigay ng dagdag sweldo sa mga guro sa nais nilang matugunan sa hinaharap ngunit nasa Department and Management ang kapalaran nito.
“Ang sabi ng DBM gumagawa sila ngayon ng study hindi lamang ang sweldo ng teachers ang pinag-aaralan kundi ang sweldo ng Public Sector. Mahirap para sa isang pamahalaan na kung mag-increase ka ng salary sa isang sector at maiiwanan, magwa-widen iyong gap,” ayon kay DepEd Secretary Leonor Briones.
Aabot sa P150 Billion pesos ang kailangang dagdag pondo para sa salary increase sa tinatayang mahigit siyam na raang libong guro sa bansa.
Tiniyak naman ng Malacañang na tutuparin ng Pangulo ang pangako nito sa mga guro.
“The President is working on that. And hopefully, that can be responded to, our economic managers are doing everything to see how things can be done,” ayon kay Presidential Spokesperson and Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo.
(April Cenedoza | UNTV News)
Tags: Department of Budget and Management, Department of Education, DepEd, guro