METRO MANILA – Inaprubahan na ni Department of Transportation (DOT) Secretary Jaime Bautista ang petisyon ng Rail Regulatory Unit na magpatupad ng dagdag-pasahe sa linya ng LRT 1 at LRT 2.
Gayunman hindi pa masisimulan ang implementasyon nito, matapos na ipagutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Junior na ipagpaliban muna ang paninigil ng dagdag-pasahe.
Batay sa inaprubahang fare hike petiton, tataas ng P22.29 ang boarding fee sa 2 linya ng LRT.
At dagdag na P0.21 sa kada-kilometro ng biyahe.
Nangangahulugan ito na magiging P13.29 na ang boarding fee sa LRT-1 at LRT 2 mula sa kasalukuyang P11.
Habang ang singil sa kada kilometro ng biyahe ay magiging P1.21 mula sa kasalukuyang P1 lamang.
Hindi rin muna magkakaroon ng fare hike sa MRT-3 dahil ayon sa DOTr mayroon pang kailangang ayusin sa proseso at requirements.
Ayon naman sa ilang pasahero, hindi pa napapanahon ang pagpapatupad ng dagdag-pasahe sa LRT.
Taong 2015 nang huling ipatupad ang fare hike sa LRT-2 at MRT-3.
Habang makailang ulit na ring naghain ng petisyon ang Light Rail Manila Corportation para sana makapanigil ng dagdag-pasahe.
Ayon sa mga Railway operator malaking tulong sana ang fare increase upang mapagibayo pa ang serbisyo sa mga pasahero gayundin ang pagsasaayos sa technical at iba pang pasilidad ng mga railway system.
(JP Nunez | UNTV News)