Dagdag na pisong provisional fare hike, muling inihirit ng mga transport group

by Radyo La Verdad | October 3, 2018 (Wednesday) | 5468

Umaangal na ang mga jeepney driver dahil mas lalong lumiit ang take home money nila kada araw.

Ikawalong linggo na ngayon na tumataas ang presyo ng produktong petrolyo kung kaya’t lumalaki rin anila ang gastos ng mga jeepney driver.

Dahil dito, nais na namang humirit ng mga jeepney operator ng panibagong pisong provisional fare hike kahit kaka-apruba pa lamang ng pisong provisional fare hike noong Hulyo.

Mayroong nakabinbing fare hike petition ang mga jeepney operator sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na 12 pesos minimum fare.

Ayon sa mga jeepney operator, kung imposibleng maibigay ang kanilang hinihingi, kahit mabigyan muna sila ng pisong provisional fare.

Kung maaprubahan, magiging sampung piso na ang minimum fare mula sa siyam na piso na kasalukuyang pamasahe.

Ang ilang jeepney driver, payag naman kahit na gawin lamang munang sampung piso ang minimum fare.

Hati naman ang opinyon ng mga commuter sa nakabinbing dagdag-pasahe sa jeep.

Pero para kay United Filipino Consumer and Commuters President Rj Javellana, kailangang umaksyon na ang pamahalaan upang matulungan ang mga consumer.

Ilan sa mungkahi nila ay ang pagpapahinto sa ipinapataw na dagdag-buwis sa produktong petrolyo at pag-aksyon ng mga ahensya ng pamahalaan upang ma-recover ang mahigit 200 bilyong pisong nawawalang pera ng bayan dahil sa smuggling at 40 bilyon naman sa Customs upang magamit na pondo sa mga proyekto ng pamahalaan.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,