Dagdag na bakuna para sa mga construction at factory worker, inaprubahan

by Erika Endraca | August 27, 2021 (Friday) | 5148

METRO MANILA – Inaprubahan ng National Task Force Against COVID-19 ang hiling ng Department of Labor and Employment (DOLE) na dagdag na bakuna para sa mga manggagawang nasa mga aktibong industriya.

452,000 doses ang ilalaan para sa mga factory worker sa Region 4A, 3, 7 at mga construction worker sa National Capital Region (NCR).

Pinasalamatan naman ni Labor Secretary Silvestre Bello III si Vaccine Czar Carlito Galvez sa positibo at mabilis nitong pag responde sa hiling ng DOLE.

Ayon kay Bello, mapapabilis ang pagbubukas ng ekonomiya at pagpapatibay ng proteksyon sa mga manggagawang nasa industriya ng manufacturing at construction dahil sa ibinigay na dagdag bakuna.

Dagdag ni Bello, ang pagtaas ng 11.8% sa Gross National Product ng bansa ay dahil sa malaking kontribusyon ng mga sektor na nasa manufacturing at construction kaya dapat lamang bakunahan ang mga aktibong manggagawa na nagpapalago ng ekonomiya.

Nag-anunsyo rin ang National Employment Recovery Strategy (NERS) Task Force at Employers’ Confederation of the Philippines (ECOP) ng proyekto na ‘1 Million Jobs for 2021’ upang magpadala ng mga manggagawang Pilipino sa mga aktibong industriya sa ilalim ng policy environment upang makapagbigay ng mga karagdagang trabaho sa buong bansa.

(Evangelyn Alvarez | La Verdad Correspondent)

Tags: ,