Walang magawa ang ilang residente sa Old Santa Mesa, Maynila sa pagsasara ng tulay nitong linggo ng gabi para sa itinatayong Skyway connector project.
Dagdag pasakit pa sa mga residente at motorista ang paghahanap ng alternatibong daanan para makatawid sa San Juan City na nasa kabilang bahagi ng tulay. Nasa walong libong sasakyan ang dumadaan sa naturang tulay bawat araw.
Pangunahing apektado ng pagsasara nito ang mga estudyanteng nakatira sa Old Santa Mesa at pumapasok sa ilang malalaking eskwelahan sa San Juan City gaya ng San Juan National Elementary School, San Juan National High School at San Perfecto School.
Kung dati ay nasa 7 piso lang ang pamasahe ng mga estudyante, ngayon ay triple o higit pa ang ginagastos ng mga ito para makarating sa kanilang eskwelahan.
Hiling ng mga residente, matulungan sila na mabigyan ng alternatibong paraan ng pagtawid sa kabilang panig ng tulay.
Hinihiling ng chairman ng apektadong barangay sa contractor ng proyekto na palagyan ng pedestrian bridge malapit sa Old Santa Mesa Bridge ngunit hindi malinaw ang solusyon kaugnay nito.
Sa kasalukuyan ay tumutulong ang barangay sa paglalaan ng isang sasakyang naghahatid ng libre sa ilang residente.
Nakikiusap rin ang mga kawani ng barangay sa mga kinauukulan na maglaan ng karagdagang sasakyan na magbibigay ng libreng sakay paikot sa mga naturang lugar.
( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )
Tags: Old Santa Mesa Bridge, San Juan City, Skyway connector project