METRO MANILA – Laking pasasalamat ng Department of Education (DepED) dahil na-aprubahan na sa ikatlong pagdinig sa senado and Senate Bill 1092, kung saan naglalayong taasan ang allowance ng mga guro para sa kanilang mga kagamitan sa pagtuturo.
Sa panahon ngayon na kung saan ang mga guro sa bansa ay gumagawa ng iba’t-ibang paraan upang patuloy na makapagbigay na kalidad na edukasyon sa kabila ng pandemya, malaking tulong na madagdagan ang pondo nila alang-alang sa mga mag-aaral.
Sa ilalim ng bill na ito, bahagda-hagdanang tataasan ang allowance ng mga guro para sa ‘teaching supplies’ sa loob ng apat na taon.
• S. Y. 2021-2022 – Php 5,000
• S. Y. 2022-2023 – Php 5,000
• S. Y. 2023-2024 – Php 7,500
• S. Y. 2024-2025 – Php 10,000
Ayon kay DepED Usec. for Finance Annalyn Sevilla, napapanahon ito dahil sa mahirap na kalagayan ng mga guro, dulot ng kasulukuyang sitwasyon at bagong sistema ng pagtuturo. Inaasahan nila ang agarang pagsabatas nito upang mapabuti pa ang sistema ng pag-aaral at matulungan ang mga guro na kinikilala ding mga bagong bayani.
(Raymund David | La Verdad Correspondent)