Bukod sa mga reklamong inihain ng Gabriela Womens Partylist sa Korte Suprema laban sa mga dating opisyal ng Department of Health sa usapin ng Dengvaxia vaccine, inilunsad din ng grupo noong December 18, 2017 ang Dengvaxia Watch hotline kung saan maaring dumulog ang mga magulang ng mga batang nabakunahan ng anti-dengue tungkol sa kanilang mga concerns.
Makalipas ang isang buwan, sari-saring mga reklamo na anila ang kanilang natanggap mula sa mga magulang. Sa tala ng grupo, umaabot sa halos 15 mga sumbong kada araw ang kanilang natatanggap. Ilan sa mga ito ang umano’y kakulangan anila sa information drive ukol sa Dengvaxia.
Mayroon din umanong mga kaso na bagaman hindi pumirma sa waiver ang mga magulang ay binakunahan pa rin ang mga bata. Problema rin anila ng mga magulang ngayon ang dagdag-gastos sa pagpapakonsulta ng kanilang mga anak, sa pangamba ng posibleng maging epekto ng bakuna sa mga bata.
Bukod sa mga tawag na natanggap sa Dengvaxia Watch hotline, umabot na rin anila sa 500 mga magulang sa Metro Manila ang kanilang nakausap sa pamamagitan ng mga idinaos na Dengvaxia caravan forums.
Dahil dito, ipinapanukala ng grupo sa Department of Health ang pagsasagawa ng preventive steps para sa mga batang posibleng magkasakit dahil sa Dengvaxia vaccine.
Ngunit una nang ipinahayag ng DOH na kailangan anilang maberipika muna ang mga impormasyon kaugnay ng mga batang nabakunahan ng Dengvaxia vaccines, ito ay upang mabigyan sila kung ano ang nararapat na ayuda.
Samantala, plano naman ng Gabriela na magsagawa ng isang protest dialogue sa mga opisyal ng Department of Health sa February 7, ukol pa rin sa kontrobersyal na isyu.
( Joan Nano / UNTV Correspondent )
Tags: anti-dengue, Dengvaxia Watch, DOH