Daan-daang pulis, idedeploy sa Marawi City sa barangay at SK elections sa ika-22 ng Setyembre

by Radyo La Verdad | August 24, 2018 (Friday) | 3617

Sa ika-22 ng Setyembre na isasagawa ang barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Marawi City. Hindi ito nakasabay sa eleksyon noong Mayo dahil marami pang kinakailangang iayos sa lugar na napinsala dahil sa bakbakan sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at Maute Terrorist group.

Sa kanyang pagbisita sa PRO 13, para sa pagdiriwang ika 117th Police Service Anniversary ng Caraga Region, sinabi ni Philippine National Police Chief Police Director General Oscar Albayalde na gagawin nila ang lahat para maging mapayapa ang isasagawang eleksyon.

Dahil aniya isang election hostspot ang Marawi City at ilang election-related violence na rin ang naitala sa lugar sa mga nakaraang panahon, daan-daang pulis ang kanilang idedeploy sa lugar.

Bukod dito, umaasa rin anila sila sa tulong ng mga residente upang mapanatili ang katahimikan sa syudad.

Ayon sa PNP chief, malaki ang naitulong ng rehabilitasyon sa Marawi City upang mapaunlad ang relasyon sa pagitan ng pamahalaan at mga Maranaw.

Samantala, kasabay ng pagdalo sa Police Service Anniversary, pinangunahan ni Gen. Albayalde ang pagsunog sa mahigit 4 milyong pisong halaga ng shabu nakumpiska sa rehiyon mula pa noong 2014.

 

( Raymond Octobre / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,