Bunsod ng magandang panahon ngayong taon, maganda rin ang naging ani sa kamatis ng mga magsasaka sa Barangay San Antonio Kalayaan, Laguna.
Ang problema lang ayon sa Department of Agriculture sa rehiyon, nagkaroon ng over production dahil sa dami ng nagtanim ng kamatis hindi lang sa Region 4A, kundi maging sa mga kalapit probinsiya.
Ito rin aniya ang dahilan kung bakit ang dating 35 piso na farm gate price ay bumagsak sa dalawa hanggang limang piso na lang.
Ang maliliit na mga kamatis, wala ng halaga kaya kasama ito sa mga reject at itinatapon na lang ng mga magsasaka.
Nilinaw naman ng DA na mahigit isang tonelada lang ang isinauli ng mga traders sa kalayaan at hindi tonetonelada.
Bunsod nito, plano ngayon ng DA na magtayo ng mga Village-Level Processing Center sakaling muling magkaroon ng over supply upang huwag ng masayang ang mga kamatis.
Samantala, pinabulaanan din ni Director Demesa na mayroong nangyaring hoarding o pananabotahe kung kayat nasayang ang ibang mga kamatis.
Bukod sa kamatis, binabantayan na rin ng DA ang pagbagsak ng presyo na rin ngayon ng kalabasa dahil din sa over supply.
Tiniyak naman ng DA sa mga magsasaka ng kamatis at kalabasa ang kanilang ayuda tulad ng pamamahagi ng binhi at seminars sa paggamit ng modernong teknolohiya sa pag-aagrikultura.
( Sherwin Culubong / UNTV Correspondent )
Tags: DA Region 4A, kamatis, Laguna