DA: presyo ng karneng baboy, mabababa na dapat dahil sa mababang farmgate price

by Radyo La Verdad | August 8, 2022 (Monday) | 8771

METRO MANILA – Umaabot pa sa P320 – P400 pa ang presyo ng karne ng baboy sa ilang pamilihan sa Metro Manila.

Pero ayon kay Department of Agriculture (DA) Undersecretary Kristine Evangelista, nasa P200 kada kilo na lamang ngayon ang farmgate price o presyo ng buhay na baboy ngayon.

Kaya naman pinag-uusapan na ng DA at ng mga sektor na kasama sa industriya ng baboy ang paglalagay ng Suggested Retail Price (SRP).

“If we look at cost structure based on those data dapat po an gating baboy sa palengke ay nasa mga 300 lang po. So meron pa kasi tayong nakikitang mga 330, 340. So yun po an gating tinitingnan ngayon and again we will have our consultation to finalize kung ano an gating recommendation as far as the SRP is concern” ani DA Usec. Kristine Evangelista.

Isa sa nakikitang dahilan ng pagbaba ng presyo ng baboy ay ang pagbaba ng gastos sa pagpapalaki nito.

Ayon kay Usec Evangelista, tuloy-tuloy din naman ang ginagawang pagsugpo sa African Swine Fever (ASF).

Bukod sa baboy ay plano ring lagyan ng SRP ang sibuyas at asukal na parehong tumaas ang presyo sa mga nagdaang Linggo.

Ayon sa DA, aangkat ang Pilipinas ng 300,000 metriko tonelada ng asukal para sa mga susunod na buwan.

Inaasahan ng DA na makatutulong ito para hindi na tumaas pa ang presyo ng produkto. Mag-iinspeksyon din ang DA sa mga bodega ng asukal at sibuyas.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: ,