DA, pinaigting pa ang pagbabantay sa mga quarantine checkpoints dahil sa Bird Flu outbreak

by Radyo La Verdad | March 31, 2022 (Thursday) | 2249

METRO MANILA – Nakikipag-ugnayan na ang Department of Agriculture (DA) sa mga lokal na pamahalaan partikular na sa mga lugar na apektado na ng H5N1 o bird flu virus.

Ayon kay Agriculture Secretary William Dar, inatasan na nila ang iba’t ibang local at regional offices ng DA na paigtingin pa ang pagbabantay sa quarantine checkpoints upang makasiguro na walang makakapasok na mga produktong posibleng kontaminado ng virus.

Sinuspinde na ng DA hanggang sa April 7 ang pagbiyahe ng mga manok, pato, at itik na mangagaling sa luzon para mapigilan ang posibleng pagkalat pa ng bird flu virus.

Ilan sa mga lugar na nakapagtala ng kaso ng avian influenza o bird flu ay ang Minalin, Pampanga, Victoria Laguna, at mga bayan ng Bula at Sipocot sa Camarines Sur.

Una na ring nakapagtala ang ilang barangay sa bulacan, Sultan Kudarat at Benguet.

Apetakdo ng bird flu sa mga nabanggit na lugar ang mga alagang itik at pato.

Habang wala pang napaulat na apektado na rin nito ang nag-aalaga ng manok.

Ayon sa DA, nakapagsagawa na sila ng culling sa mga apektadong lugar upang masigurong hindi na kumalat pa ang virus.

Samantala, nababahala naman ang ilang mga nag-aalaga ng itik, pato at manok dahil sa posibleng epekto nito sa kanilang hanapbuhay.

Paliwanag ng Department of Agriculture posibleng nakapasok ang bird flu sa bansa dahil sa pagdayo ng migratory o resident wild birds na maaring nanggaling sa mga lugar na tinamaan ng H5N1 o avian influenza.

Ayon sa mga eksperto, mabilis kumalat ang H5N1, at nakamamatay din ito sa manok at iba pang klase ng ibon.
Maliban dito, nakahahawa rin ang avian flu sa tao na maaaring makuha sa direktang exposure sa may sakit o patay na poultry o wild bird na infected ng nasabing virus.

Ilan sa sintomas na posibleng maranasan ng mga nahawa sa avian flu ay ubo, sipon, pamumula ng mata, pananakit ng katawan at lalamunan, lagnat, pananamlay at pwede ring humantong sa pneumonia.

(Janice Ingente | UNTV News)

Tags: