DA namahagi ng mahigit P91-M sa mga magsasaka at mangingisda sa Cebu

by Erika Endraca | December 8, 2020 (Tuesday) | 11193

Ipinamahagi ni Department of Agriculture (DA) Secretary William Dar sa kaniyang pagbisita sa Lamac Multipurpose Cooperative (LMPC) sa Pinamungajan, Cebu, ang P91,043,000 para sa mga magsasaka at mangingisda sa lalawigan.

“Ang mga magsasaka ang totoong frontliners sa panahon ngayon ng pandemiya dahil sinisigurado at nag bibigay sila ng ating makakain. Sila ang tunay nating bayani.” ani DA Secretary William Dar.

Kasama sa mga ibinigay ay mga hayop sa bukid, biogas digester, 4WD 90HP with accessories, fiberglass, boats sisal processing center at cocohub. Naglabas din sila ng tseke para sa mga magsasaka ng niyog.

Lubos na nagpapasalamat ang kalihim sa kanilang kooperatiba dahil sa marami na itong nagawa para sa mga magsasaka at mangingisda. Ipinahayag pa ng kalihim na ang pakikipag tulungan ng LGU at ng rehiyon ay isa sa mga ambag na tagumpay ng kanilang agrikultura.

Naglunsad din ng cash at food subsidy program sa mga kwalipikadong magsasaka na makaktanggap ng P3,000 cash at P2,000 kasinghalaga ng 25 kilos rice, itlog at manok.

Kasabay nito ay ang paglagda ng Agri Chief sa memorandum of agreement para sa smoke house at post harvest na kagamitan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources para sa LMPC, pagtatatag ng Visayan Coconut Seed Production Center kasama ang Philippine Coconut Authority, fibercrop nursery ng Philippine Fiber Industry Authority, at ang muling pagbili ng mga produktong pang agrikultura ng Virginia Farms, Inc. para sa gulay, mais, baka at iba para sa mga LMPC farmers.

(Zyra Mae Cabiles | La Verdad Correspondent)

Tags: ,