DA, naglatag ng mga solusyon upang hindi masayang ang surplus harvests sa bansa

by Radyo La Verdad | February 7, 2023 (Tuesday) | 5332

METRO MANILA – Naglatag ng mga solusyon ang Department of Agriculture (DA) upang hindi masayang ang mga surplus harvest sa bansa kaugnay ng utos ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na mas patatagin ang pagsuporta ng gobyerno sa sektor ng agrikultura upang lalong mapabuti ang pamumuhay ng mga Pilipinong magsasaka at mangingisda.

Paiigtingin ng DA ang koneksyon sa pagitan ng mga magsasaka at mga malalaking institusyon tulad ng hotels at restaurants sa pamamagitan ng contract farming.

Kasabay nito ang pagbibigay ng assistance at intervention sa pag-aangkat ng mga ani sa mga lugar kung saan mas mataas ang demand ng isang produkto upang mabawasan ang sobrang supply sa mga agkultural na kalakal.

Isa rin sa mga naiisip na estratehiya upang mabawasan ang oversupply ng mga ani at maiwasan ang pagkalugi ng mga magsasaka ay ang pagbibigay ng delivery trucks at vegetable crates sa mga kooperatiba at asosasyon ng mga magsasaka sa ilalim ng Enhanced KADIWA Grant.

Samantala, patuloy naman ang gobyerno sa layunin na palakasin ang agrikultura ng Pilipinas mula sa food growers, producers, at consumers, upang matiyak na may sapat na supply ng pagkain sa bansa kasabay ng mas estabilisadong presyo ng mga ito.

(Evangelyn Alvarez | La Verdad Correspondent)

Tags: