DA naglabas ng protocol para sa mga lugar na apektado ng sakit ng baboy

by Erika Endraca | August 22, 2019 (Thursday) | 3988

MANILA, Philippines – Tiniyak ng Deparment of Agriculture (DA) na ligtas kainin ang mga karne ng baboy na itinitinda sa palengke sa kabila ng mga insidente ng di-karaniwang pagkamatay ng mga baboy.

Kaugnay nito naglabas naman ng protocol ang kagawaran para sa mga lugar na apektado ng sakit ng baboy. Sa ngayon ay hindi pa rin nila tinutukoy ang lugar kung saan ito nangyayari at kung ano ang dahilan ng pagkamatay ng mga baboy.

Sa nasasakupan naman ng sampung kilometro mula sa pinangyarihan ng insidente ay obligadong iulat ng mga nag-aalaga kapag may namatay na baboy.

“We assure the public that the meat in the market today is safe it source from areas na not infected” ani Agriculture Secretary William Dar Spokesperson, Noel Reyes.

Tinukoy din ng tagapagsalita ni Agriculture Secretary William Dar na ang swill o “kaning baboy” ang posibleng pinanggalingang ng sakit kaya’t pinapayuhan ang mga nag-aalaga na huwag na itong ipakain sa kanilang mga alaga. Mura aniya ang kaning baboy lalo na ang mula sa mga restaurant kaya’t binibili ito ng mga nag-aalaga ng baboy.

Ayon sa Kagawaran ng Agrikultura, tatagal pa ng dalawang  linggo hanggang tatlong buwan bago lumabas ang resulta ng pagsusuri kung anong sakit ang pumatay sa mga baboy dahil ipinadala pa sa europa ang mga nakuhang samples. Samantala, sa susunod na bulettin ng da ay idedetalye na kung anong ayuda ang kanilang ibibigay sa mga namatayan ng baboy.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: ,