DA, inakusahan na nakipagsabwatan sa isang trader para makapag-import ng sibuyas

by Radyo La Verdad | February 15, 2023 (Wednesday) | 7320

METRO MANILA – Binunyag ni Israel Reguyal, Chairman ng Bonena Multipurpose Cooperative, na binibili ang mga suplay na nasa storage unit at saka mag-aanunsyo na kulang na umano ang suplay.

Dagdag pa ni Reguyal dito ngayon maglalabas ang Department of Agriculture (DA) ng importation order para mag-angkat ng sibuyas.

Sa Motu Proprio Inquiry ng House Comittee on Agriculture, itinuro ni Reguyal si Lilia Leah Cruz  na umano’y bumibili ng mga suplay sa cold storages.

Si Cruz ang tinatawag na onion queen o Mrs. sibuyas na sangkot umano sa smuggling noong 2014.

Sa pagdinig, natanong din si Cruz tungkol sa mga tumalbog na cheke na ibinayad nito para makabile ng sibuyas noong 2014.

Ang naging tugon ni Cruz ay kanila ng na settle ang nasabing isyu.

Inireklamo rin ni Reguyal na nalugi sila ng nasa P30M dahil sa nangyaring manipulasyon sa supply ng sibuyas noong 2013.

Nagsagawa na ng executive session ang komite kung saan dito pinangalanan ni Reguyal ang mga opisyal ng DA na umano’y sangkot sa nasabing modus operandi.

Dumalo rin sa executive session si Leah Cruz kung saan mariin din nitong pinabulaanan na sangkot ito sa pagmamanipula ng suplay ng sibuyas.

Kinukunan din ng UNTV News ng komento ang Department of Agriculture, subalit wala pa itong tugon sa naturang isyu.

(Aileen Cerrudo | UNTV News)

Tags: ,