DA iimbestigahan ang alegasyon ng korupsyon ukol sa alokasyon sa pag-angkat ng baboy

by Erika Endraca | March 18, 2021 (Thursday) | 5122

METRO MANILA – Bumuo na ng special committee ang Department of Agriculture upang imbestigahan ang umanoy korupsyon sa pagbibigay ng certificate sa pag angkat ng baboy.

“Kami ay patuloy na naninindigan na tapat at tama ang pag-issue namin ng Minimum Access Volume (MAV) in-quota allocation, ganunpaman bumuo kami ng isang special committee para harapin ang alegasyon ng isang mambabatas na may katiwalian sa loob ng kagawaran,” pahayag ni DA Secretary William Dar.

Sa ilalim ng MAV scheme, iisyuhan ng DA ng MAV Import Certificate ang mga MAV licensees upang makapag angkat sila ng 54, 000 metric tons at magbayad ng 30% taripa kada taon. Kung lalagpas sila sa kanilang alokasyon, kailangan nilang magbayad ng 40% taripa.

Bukod pa rito, may penalty ang mga licensees kung hindi nila magagamit ang 70% ng kanilang alokasyon at ipagkakaloob ito sa ibang kwalipikadong aplikante.

Ayon naman sa initial findings ng DA-MAV Secretariat, remote case ang alegasyon tungkol sa korupsyon ng pagkuha ng certificate. Wala umanong pagkakaiba ang mga kasalukuyang MAV licensees at mga licensees na pinayagan ng mga nakaraang administrasyon.

“Gusto naming bigyang-diin na ang aming layon na taasan ang MAV at bawasan ang taripa ay upang patatagin ang suplay at presyo ng baboy,” dagdag pa ni DA Sec. William Dar.

(Beth Pilares | La Verdad Correspondent)

Tags: , ,