Ilulunsad na bukas sa San Jose, Occidental Mindoro ng Department of Agriculture (DA) at National Food Authority (NFA) ang malawakang pagbili ng palay mula sa mga lokal na magsasaka. Naglaan ng 6-7 bilyong piso ang pamahalaan sa pagbili ng mga palay ng lokal na magsasaka.
Ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol, hahanap sila ng mga lugar na mabababa ang presyo ng palay gaya sa Mindoro at Bicol para matulungan ang mga magsasaka.
Bibilhin ng NFA sa halagang P17 ang kada kilo ng palay at incentive na aabot sa 3 piso at 70 sentimos.
Maglalagay ng drying facilities o patuyuan ng palay ang DA sa lahat ng NFA buying stations sa bansa na magagamit naman ng mga magsasaka ng libre.
Bibigyan ng points ang mga kooperatiba o organisasyon ng mga magsasaka sa mga palay na madadala nila sa NFA.
Kapag naipon ito ay maaaring gamitin para makakuha ng mga gamit sa pagsasaka mula sa DA gaya ng tractor, rice harvester at solar powered irrigation system.
Ang hakbang na ito ng DA at NFA ay upang maiwasang maapektuhan ang mga magsasaka sa pagluwag sa pag-aangkat ng bigas sa bansa.
Samantala, aabot sa 163 days ang magiging buffer stock o imbak na bigas ng pamahalaan bago matapos ang 2018 kapag nakarating na ang mahigit sa 1 milyong metriko tonelada o 20 milyong sako ng bigas na aangkatin ng pamahalaan.
( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )