Mula sa Quezon City ay mahigit sa isang oras na binyahe ng mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) at National Food Authority (NFA) ang Barangay Ibayo, Marilao, Bulacan noong Biyernes para inspeksyunin ang bodegang ito.
Hindi agad nakapasok ang grupo kahit na mismong sina Agriculture Secretary Manny Piñol at NFA Administrator Jason Aquino na ang humarap sa mga guwardiya.
Sa kabila ng tumawag na sa telepono ang may-ari ng bodega subalit ayaw pa rin silang papasukin, dito na napilitang pasukin ang bodega kasama ang mga pulis ng Bulacan.
Malawak ang compound na sakop ng Fedcor warehouse at iba pang mga bodega ang nakatayo sa loob nito. Natagalan pa bago mabuksan ang mga bodega dahil pinatawag pa ang mga bodegero. Tumambad sa mga opisyal ang sako-sakong imported na bigas na mula sa Thailand.
Nang silipin naman ang ibang mga bodega na walang paskil nang pagiging ligal na importer ng bigas ay nakita rin ang libo-libong sako ng bigas kaya’t pinabuksan na rin ito.
Ayon kay Piñol, kahit na ligal ang pagpasok nito sa bansa dapat ay inilalabas ito agad sa merkado. Tumanggi naman ang may-ari ng mga bodega na magbigay pa ng pahayag at humarap sa kamera.
Ayon sa kalihim, bibigyan nila ng panahong makapagpaliwanag ang may-ari ng mga bigas at nagbabalang mananagot kung mapatunayang lumabag sila sa batas kung saan maaaring kasuhan sila ng economic sabotage.
Ang operasyong ito ng DA at NFA ay kasabay ng paglulunsad ng “report a hoarder” campaign ng pamahalaan.
Bibigyan ng 250 libong piso ang sinomang makapagbibigay ng impormasyon sa mga nagtatago ng bigas.
Makipag-ugnayan lamang sa DA hotline (0-2) 9-2-0-9-1-1-7.
( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )