Cyber libel, nanguna sa mga reklamong natanggap ng PNP Anti-Cybercrime Group ngayong taon

by Radyo La Verdad | November 14, 2018 (Wednesday) | 7296

Nahaharap sa kasong cyber libel ang aktres na si Keanna Reeves kaya ito hinuli ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Laguna.

Ayon kay PNP Anti-Cybercrime Group Spokesperson PSI Artemio Cinco Jr., maituturing na cyber libel ang paggamit ng social media gaya ng facebook, twitter, instagram at iba pa upang magpost ng mga masasakit na salita at personal na atake para sirain ang isang tao.

Pasok din sa cyber libel ang pagpopost ng litrato ng isang tao na may caption na hindi maganda laban sa kaniya. Mas mabigat aniya ang parusa sa cyber libel kaysa sa ordinaryong libel case.

Hindi naman aniya pasok sa cyber libel kung wala namang tinutukoy na pangalan o litrato kahit na may mga mapanirang salita na nakapost sa social media. Wala namang pananagutan ang naglike o nagshare lamang nito.

Batay sa desisyon ng Korte Suprema noong 2014, ang orihinal na nag-post o ang author lamang ang may pananagutan sa batas.

Bukod kay Keanna Reeves, ilan sa sinampahan na ng cyber libel ay si Maria Ressa ng Rappler dahil sa reklamo ng isang Wilfredo Keng nang pagbintangan na totoong may-ari ng Suburban na ginamit noon ni dating Chief Justice Renato Corona.

Maging si Atty. Lorna Kapunan ay sinampahan ng cyber libel ni UST Law Dean Nilo Divina dahil sa pahayag na si Divina umano ang nagrecruit sa hazing victim na si Horacio Atio Castillo III.

Sinampahan din ng cyber libel ni Sen. Tito Sotto ang isang blogger kaugnay sa hindi umano paglagda ng senador sa resolusyon ng extra judicial killings (EJK).

Paalala ng PNP-ACG sa publiko gamitin ng tama ang social media.

Sa halos tatlong libong reklamo na natanggap ng PNP-ACG ngayong taon, nagunguna dito ang cyber libel kasunod ang online scam, swindling at estafa at pangatlo ang voyeurism.

 

( Sherwin Culubong / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,