P800 – P4,000 kita kada taon, mababawas sa 60M mahihirap na Pilipino kung maisabatas ang bagong tax reform– IBON Foundation

by Radyo La Verdad | August 3, 2017 (Thursday) | 1504

Nasa animnapung milyong Pilipino ang direktang maaapektuhan kung ipatutupad ang bagong tax reform na isinusulong ng pamahalaan. Ito ang sinabi ng research group na Ibon Foundation sa programang “Get it Straight with Daniel Razon”.

Sa datus na nakuha nila sa Department of Finance, 807 pesos ang mababawas sa kita kada taon ng isang mahirap na kumikita ng mahigit limang libo isang buwan.

Habang aabot naman sa 3,800 pesos sa may mahigit 19,000 pesos na buwanang kita. Ang dahilan, tataas ang gastusin dahil sa panukalang taasan ang buwis sa mga matatamis na inumin gaya ng softdrinks at kape at maging sa mga produktong petrolyo at sasakyan.

Tiyak na mahihirapang magpasan ang mahihirap na mamamayan. Kaya para kay IBON Executive Director Sony Africa, ang dapat pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ay ang pangongolekta ng tamang buwis.

Aniya, sampung bilyong piso kada taon ang hindi nakukulekta ng pamalaan sa malalaking kumpanya.

Sang ayon naman dito si Alliance of Concern Teachers Party List Representative Antonio Tiño. Pabor siya na patawan ng buwis ang mga sasakyan subalithuwag na ang mga sweetened beverages.

Sinabi pa ni Tiño, dapat ding ipatupad ng tama ang sin tax law para makalikom ng mas malaking halaga ang pamahalaan.

 

(Rey Pelayo / UNTV Correspondent)

Tags: ,