Customs Comm. Faeldon, tinuligsa ang mga pulitiko hinggil sa Padrino system sa BOC

by Radyo La Verdad | August 2, 2017 (Wednesday) | 2171

Bago dumalo sa pagdinig sa kamara kaninang umaga, galit na ibinulalas ni Customs Chief Nick Faeldon ang pagkadismaya niya sa mga gustong magmaneubra sa kaniyang pamamalakad sa ahensya.

Mistulang binuweltahan nito ang mga politiko na nais umanong impluwensyahan ang customs board of promotion sa pag-aangat sa posisyon at paglalagay ng mga tauhan sa kawanihan.

Aniya, hangga’t hindi naaayos ang sistema ng procurement ng mga personnel ng ahensya hindi malulutas ang isa sa sanhi ng korupsyon sa Bureau of Customs.

Hinimok pa nito ang mga Kongresista na lumikha ng batas na magbabawal sa sinomang opisyal ng pamahalaan na magrekomenda ng magiging empleyado ng Bureau of Customs.

Sa kaniyang pakikipagusap kay Pangulong Duterte kagabi hindi niya binanggit na may mga politiko nga na nagtatangka na siya’y  impluwensyahan. Hindi man pinangalanan ang mga nasabing politiko, may pakiusap naman ito sa kanila.

 

(Jun Soriao / UNTV Correspondent)

Tags: , ,