Customs broker na si Mark Taguba, ipinalilipat ng korte sa PNP Custodial Center

by Admin | February 23, 2018 (Friday) | 21911

Binago ng Manila Regional Trial Court ang unang kautusan nito na ikulong si Mark Taguba sa Manila City Jail at sa halip ay ipinalilipat na lamang ang kontrobersyal na Customs broker sa PNP Custodial Center.

Pinagbigyan ng korte ang hiling ni Mark Taguba na huwag siyang ikulong sa Manila City Jail dahil nanganganib ang kanyang buhay doon.

Hindi kasi maikakaila ayon sa kanyang abogado na may mga nasaktan sa pagtestigo nito sa pagdinig ng Senado, kung saan isiniwalat nito ang umano’y katiwalian sa Bureau of Customs. Kaya’t hindi malayong pagtangkaan ang buhay nito kapag kinulong sa city jail.

“Madalas na pong mangyari iyan na nagkakaroon ng mga patayan doon sa loob mismo ng city jail,” sabi ng abogado ni Taguba na si Atty. Raymond Fortun.

Pero hindi kumbinsido ang Manila Regional Trial Court Branch 46 na manatili sa NBI si Taguba.

Sabi ng korte, wala naman kasing mandato ang NBI na bantayan ang mga akusadong naghihintay ng paglilitis.

Sa halip, iniutos ng korte na ikulong si Taguba sa PNP Custodial Center dahil nandoon din ang mga high-profile na detainee gaya nina dating Senador Bong Revilla at Senador Leila de Lima.

Hindi rin muna binasahan ng sakdal si Taguba sa kasong importation of illegal drugs kaugnay ng P 6.4 billion na halaga ng shabu na pinalusot sa Customs.

Naghain pa kasi ng mosyon ang abogado nito upang madismiss ang kaso.

Sabi ni Atty. Fortun, walang kinalaman sa importation si Taguba dahil taga-proseso lamang ito ng container na dumarating sa pantalan.

“Yung importation na sinasabi ay natapos na, na-consummate na yan as soon as yung barko ay nag dock na dito sa Port of Manila. Yung trabaho ni Mark is basically just to deliver yun pong container,” dagdag pa niya.

Sampung araw ang ibinigay ng korte sa DOJ upang tutulan ang mosyon ni Taguba.

Plano naman ng abogado ni Eireen Mae Tatad na ipa-dismiss din ang kaso laban sa sinasabing consignee ng shabu shipment.

Giit nito, inosente ang kanyang kliyente na ginamit lamang na dummy ni Taguba.

“She is only a consignee for hire. Wala siyang kinalaman na yung theory ng prosecution na conspiracy, nothing, there is no conspiracy,” giit ni Atty. Nestor Ifurung, ang abogado ni Tatad.

Muli namang itinakda ng korte ang arraignment nina Tatad at Taguba sa Abril 6.

 

(Roderic Mendoza/UNTV Correspondent)

Tags: , ,