METRO MANILA – Bagaman nasa low-risk classification na ang Pilipinas sa estado ng COVID-19 cases at inihahahanda na rin ng pamahalaan ang new normal road map para makapamuhay na sa bagong normal ang mga Pilipino.
Aminado ang Department of Health na hindi pa rin tuluyang nawawala ang banta ng COVID-19.
May posibilidad pa kasi ng paglitaw ng mga bagong variant nito na maaring magdulot ng panibagong surge.
Gayunman sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na nalampasan na ng Pilipinas ang crisis stage o ang pinaka malalang yugto ng surge ng Omicron variant sa bansa.
Bukod sa bumagsak na sa negative 81% ang 2 week growth rate , bumaba na rin sa 30% ang hospital bed utilization kung saan 3 sa kada 10 hospital bed na lamang ang nagagamit ng mga pasyenteng nagkaka-COVID.
At ngayong nasa low-risk classification na ang bansa, tinitignan na ng Department of Health ang posibilidad na ibaba na sa Alert Level 1 ang National Capital Region at iba pang mga lugar sa bansa simula sa susunod na buwan.
Pero ipinunto ni Secretary Duque na kinakailangan munang mapataas ang COVID-19 vaccination rate bagong tuluyang luwagan ang mga restriction.
Samantala, binigyang diin naman ni Duque na hindi dapat madaliin ang pag-aalis ng facemask lalo’t may hawaan pa rin ng COVID-19.
Kailangan din pag-aralan itong maigi at dapat maging gradwal o dahan dahan ang pag-aalis nito.
Nauna nang sinabi ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez na maaring alisin na ang paggamit ng face mask sa huling quarter ng 2022 kung fully vaccinated ang mayorya ng mga Pilipino, bagay na sinangayunan rin ng medical adviser ng National Task Force against COVID-19.
(Janice Ingente | UNTV News)
Tags: Omicron Surge Free