CPP-NPA, walang karapatang mag-celebrate ng kanilang anibersaryo – WestMinCom

by Jeck Deocampo | December 27, 2018 (Thursday) | 5683
File photo: New People’s Army

MINDANAO, Philippines – Tinawag na failed rebellion ng Malacañang ang 50 taong pag-iral ng partido komunista ng Pilipinas. Samantala ayon naman sa AFP Western Mindanao Command, walang karapatang magdiwang ang Communist Party of the Philippines (CPP) ng kanilang anibersaryo dahil wala umanong nagawa ang mga ito para sa bayan

Kahapon ay ginugunita ng Partido Komunista ng Pilipinas ang ika-50 anibersaryo ng pagkakatag nito.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, maraming buhay ng mga kabataang Pilipinong sumali sa rebelyon ang naibuwis sa mga pananambang, engkwentro, digmaan at pagkakasakit sa pamumundok sa halip na maigugol aniya sa paglilingkod sa bansa sa pamamagitan ng matiwasay at produktibong pamamaraan.

Dagdag pa ng Malacañang, maraming NPA na ang sumusuko at nagbabalik-loob sa pamahalaan.

Kumportable rin aniyang nagtatago si Joma Sison sa ibang bansa habang marami sa kaniyang mga kasamahan ang nasasawi dahil sa pakikipaglaban ng walang kabuluhan. Dapat na aniyang sumuko si Sison habang may lakas pa at may karangalan sa pagbalik sa demokratikong lipunan.

Ayon naman sa AFP Western Mindanao Command, walang karapatang magdiwang ang CPP at ang armed wing nitong New People’s Army (NPA) dahil wala umanong nagawang maganda ang mga ito para sa ikabubuti ng bansa.

Wala ring anilang malinaw na ipinaglalaban ang grupo dahil halos lahat ng nakaupo sa gobyerno ay tinututulan ng mga ito.

50 taon ng katarantaduhan, 50 ng panluluko, 50 ng panggugulo sa buong Pilipinas at dito sa area namin sa Western Mindanao Command, 50 taon din ‘yun kanilang panggugulo at pasakit hindi lang sa gobyerno mas lalo na sa ating mga kababayan,” ani AFP WestMinCom Spokesperson LtCol. Gerry Besana.

Nakahanda naman ang militar sa posibleng pag-atake ng mga rebeldeng komunista na nakaugalian na ng grupo sa tuwing sasapit ang kanilang founding anniversary.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: , , , ,