Sampung araw na lang ang nalalabi bago ang usapang pangkapayapaan.
Patuloy ang paghahanda ang mga kinatawan ng pamahalaan at ng mga makakaliwa sa nakatakdang muling pagsisimula ng formal peace talks sa Oslo, Norway sa August 20.
Ngunit bago nito, dalawang beses nagbabala si Pangulong Rodrigo Duterte sa New People’s Army ukol sa paggamit ng landmines sa opensiba nito sa mga tauhan ng militar kung saan nadadamay maging mga sibilyan.
At kung tahasang labagin ng mga rebelde ang babalang ito ng pangulo ay tuluyan na ngang mauunsyami ang negosasyon sa usaping pangkapayapaan.
Ganunpaman, nais din naman ng National Democratic Front na umusad ang usaping pangkapayapaan kung saan mapag-uusapan din ang tigil-putukan sa magkabilang panig.
Samantala, hindi pa rin pinagbibigyan ng Korte ang Motion for Temporary Release Order ng karamihan sa mga political prisoners na hinihiling na makasama sa formal peace talks sa Oslo, Norway.
Tiiniyak naman ni Sec. Jess Dureza na nasa proseso na sila ng pagpapalaya sa ibang miyembro ng peace panel na kasalukuyan pang nakapiit.
(Rosalie Coz / UNTV Correspondent)
Tags: 10 araw bago ang peacetalks, CPP-NPA-NDF at govt peace panel patuloy ang paghahanda