CPP founder Sison, inalok ni Pangulong Duterte na umuwi ng Pilipinas para sa usapang pangkapayaan

by Radyo La Verdad | April 23, 2018 (Monday) | 2564

Muling binanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagnanais na muling isulong ang usapang pangkapayapaan sa mga makakaliwang grupo.

Aniya, bilang pangulo, tungkulin niyang makamit ang pagkakaroon ng pangmatagalang kapayapaan sa bansa.

Sa kaniyang talumpati sa annual convention ng Motorcycle Clubs of the Philippines sa Legazpi, Albay noong Sabado, sinabi ng pangulo na target nitong magkaroon ng 60-days period para muling makipagnegosasyon sa Communist Party of the Philippines- National Democratic Front.

Gayunpaman, kondisyon ng pangulo, sa Pilipinas na isasagawa ang pag-uusap at inimbitahan ring umuwi ng bansa si Joma Sison, CPP founder at adviser ng makakaliwang grupo.

Payo rin ng punong ehekutibo, samantalahin na ng mga armadong rebelde ang naturang palugit upang makalabas ng kanilang mga kampo.

Aatasan din aniya ang mga tauhan ng militar at pulisya na hayaan silang makagalaw ng malaya.

Una nang nabanggit ni Pangulong Duterte na dapat makipagkasundo sa tigil-putukan ang mga rebeldeng komunista, itigil ang kanilang pangingikil at talikdan ang proposal na coalition government bago muling magkaroon ng peace talks sa pamahalaan.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,