METRO MANILA – Umabot na sa 5th wave ang COVID-19 cases sa Hong Kong sanhi ng Omicron variant, kasabay nito ang 60 Overseas Filipino Workers (OFWs) ang nagpositibo sa virus ayon sa datos ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) nitong Lunes (February 21).
49 sa mga ito ay asymptomatic at naka community isolation, 9 ang symptomatic at naka-admit sa ospital, habang dalawa naman ang naka-recover na.
Dahil sa pagtaas ng mga nagpopositibo, sinigurado ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa pamamagitan ng POLO sa Hong Kong na handa ang kanilang departamento na maghatid ng tulong sa OFWs na apektado ng virus.
Mabilis na nakipag-ugnayan ang POLO sa Hong Kong Center of Health Protection at ilang non-government organizations upang mai-admit sa ospital at matulungan sa pagku-quarantine ang OFWs na nag popositibo sa COVID-19.
Umaayuda rin ang mga ito sa pagbibigay ng mga pagkain, gamot, at power banks, kasabay ng pagtulong sa paghahatid ng mga positibo sa mga quarantine at isolation facilities dulot ng kakulangan sa mga ambulansya.
Sa tulong ng After-Care Financial Assistance Program at Overseas Workers Welfare Administration, nakapagbigay naman ng $200 US dollars sa mga kwalipikadong OFW at dagdag na $200 pa sa may mga alalahanin sa kanilang mga quarantine facilities.
Ipinagbigay-alam din ng POLO na makikipagtulungan sila sa employers ng mga OFW upang masiguro na ang makakabalik ang mga ito sa trabaho pagkatapos gumaling sa virus.
Ayon kay DOLE Secretary Bello III, tuloy-tuloy ang paghahatid nila ng tulong para sa mga apektadong manggagawang PIlipino sa Hong Kong dulot ng pandemya.
(Evangelyn Alvarez | La Verdad Correspondent)