COVID-19 vaccines, posibleng ibigay na rin kada taon gaya ng Flu vaccine – DOH

by Erika Endraca | October 7, 2021 (Thursday) | 2500

METRO MANILA – Hindi dahil sa Delta variant, kundi posibleng dahil sa pagbaba ng bisa ng COVID-19 vaccine habang lumalaon kaya nababawasan ang proteksyon na naibibigay ng bakuna.

Ito ang resulta ng mas malawakang pag-aaral na ginawa ng medical journal na “The Lancet”.

Ayon pa sa pag-aaral, hindi ito ekslusibo lamang sa chinese-made vaccine kundi nakita rin sa western vaccine ng Pfizer.

Mula sa 90%, nagiging 75-78% na lamang ang effectiveness ng Pfizer makalipas ang 6 na buwan.

Ayon kay Infectious Disease Expert at Vaccine Expert Panel Member Dr Rontgene Solante, patunay ito na kailangan talaga ng dagdag na dose ng mga nabakunahan lagpas 6 na buwan anoman ang kanilang natanggap na COVID-19 vaccine brand.

“Even without these variants, there’s really a waning immunity through time. Meaing bumaba ang antibody natin from these vaccines kapag tumatagal na tayo na nabakunahan” ani VEP Member/ Infectious Disease Expert Dr Rontgene Solante.

Ayon kay Dr Solante, dahil sa mga ganitong pag- aaral mas lumilinaw na ang mga paraan na dapat gawin upang maagapan ang pagkakasakit.

Aniya, posibleng sa hinaharap ay maging tulad na rin ng flu vaccine ang COVID-19 vaccine na ibinabakuna taon-taon.

“Like other infection let’s flu or influenza, we always had that vaccination every year to maintain our protection against influenza, so ito ang nakikita natin ngayon na mukhang may kahawig na siya dito na we can have a yearly vaccination because of the waning immunity of this vaccine. That’s part of the consideration ng ibang bansa na every year, we will have an annual covid-19 vaccine. There’s something in this virus that takes a higher antibodies for you to be protected so you have to have a sustained antibody for you to be protected.” ani VEP Member/ Infectious Disease Expert Dr Rontgene Solante.

Maraming mga mayayamang bansa ang nagsimula na ng pagbibigay ng booster shots sa kanilang mamamayan tulad ng Amerika at United Kingdom.

Sa Pilipinas, napagkasunduan ng VEP, DOH at All Experts Group (AEG) na hindi muna magbigay ng booster doses dahil sa kakulangan pa ng supply ng bakuna at kawalan ng go signal mula sa World Health Organization.

Kaya ayon kay Dr. Solante, sa ngayon, kailangang magdoble ingat kahit na bakunado na kontra COVID-19.

Aniya kapag ang mga fully vaccinated ang nagkaroon ng impeksyon ay posibleng magdevelop ng ibang variants.

(Aiko Miguel | UNTV News)

Tags: