Covid-19 vaccine national simulation exercise, naging maayos nguni’t target pang pabilisin ng Nat’l Task Force

by Erika Endraca | February 10, 2021 (Wednesday) | 672

METRO MANILA – Puspusan na ang ginagawang paghahanda ng pamahalaan para sa pagdating ng mga bakuna kontra Covid-19 na mula sa iba’t ibang manufacturer .

Kahapon (Feb. 9) isinagawa ang cCovid-19 vaccine national simulation exercise . Pasado alas-10 ng umaga nang simulan ito sa Naia Terminal 2.

Tumagal lamang ng halos 20 minuto ang unloading ng cargo na may lamang dummy Covid-19 vaccines hanggang sa customs clearance at sa paglilipat ng mga ito sa mga refigerated vans.

Mas mabilis ito kumpara sa 45 minutes na target time ng pamahalaan.

20 minutes lang din ang itinagal ng biyahe mula sa naia hangang sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM).

83 minutes naman ang inabot sa unloading ng mga bakuna, receiving, inspection at pag-iimbak ng mga ito sa cold storage facility ng RITM .

Kung susumahin tumagal lang ito ng 125 minutes ayon sa National Task Force.

Mas mabilis na ito kaysa sa inaasahang 150 mins o katumbas ng 2 1/2 oras para sa pagsasagawa ng kabuoang proseso.

Nakatulong din sa pagbilis ng proseso ang pagkakaroon ng pre- clearance sa mga cargo ng Bureau Of Customs (BOC).

Gaya ng direktiba ni Pangulong Duterte, hindi na dapat tumagal sa customs at maging sa airport at transport sa aktwal na pagdating ng Covid-19 vaccine sa Pilipinas .

Sa tantya din ng mga opisyal, dapat ay tumagal lang ng 30 minutes ang preparasyon ng mga bakuna mula sa ritm papunta sa mga health faciities na pagdadalhan sa mga ito nguni’t kanina ay tumagal ito ng 47 minutes

Kabilang na rito ang vaccine preparation ng mga bakuna sa 3 ospital sa Metro Manila.

Ito ay sa Phil General Hospital sa Manila City, Dr Jose N Rodriguez Memorial Hospital sa Caloocan City at sa Lung Center of the Philippines sa Quezon City.

May mga scenro ring ipinakita sa mga ospital na kunwari’y pagkaantala ng mga delivery upang makita ang magiging aksyon sakaling may mangyari man sa araw ng pagbabakuna.

Kasama rin sa simulation ang mga Covid-19 dummy vaccines na dinala sa mga facility sa Cebu at Davao City na vaccine central hubs sa 2 rehiyon .

Paliwanag ng DOH kailangan pang paghusayan ang buong proeso upang wala talagang masirang kahit isang bakuna sa actual na vaccine roll out.

Ang ginawnag simulation ay para sa paparating na 117,000 doses ng Pfizer- Biontech mula sa Covax facility sa kalagitnaan ng buwan.

Iba pa ang simuilation na isasagawa ng National Task Force para naman sa nasa 5.5 hanggang 9.2 Million Astrazeneca Covid-19 vaccine doses sa huling bahagi ng Pebrero o unang linggo ng marso

Magsasagawa pa ulit ng final rehearsal ang NTF, 2 o 3 araw bago ang aktwal na pagdating ng Covid-19 vaccines sa Pilipinas nguni’t lilimitahan na lang ito sa hanay ng mga otoridad na kasama sa vaccination plan ng pamahalaan.

(Aiko Miguel | UNTV News)

Tags: