DOH Sec. Francisco Duque III, hindi nagpabakuna ng Sinovac dahil hindi pasok sa age bracket

by Erika Endraca | March 2, 2021 (Tuesday) | 600

METRO MANILA – Mismong si Health Sec Francisco Duque III ang nag-administer ng bakuna sa unang vaccineee ng Lung Center of the Philippines.

Bagamat tiwala ang kalihim sa proteksyong maibibigay ng Coronavac vaccine laban sa severe Covid-19 infection, hindi siya kasama sa nabakunahan dahil hindi siya pasok sa age bracket ng mga maaaring mabigyan nito

Sa pahayag ng DOH, nakasaad sa Emergency Use Authorization (EUA) ng SInovac na hindi ito maaaring ibigay sa mga lagpas 60 taong gulang

Magpapabakuna na lamang umano si Sec Duque kapag may akma nang bakuna para sa kanya

Muli namang iginiit ng kalihim na hindi dapat gawing basehan kung saan nagmulang bansa ang isang bakuna upang magduda sa bisa nito.

Mahalaga aniya na mabakunahan ang mas nakararami lalo na ang mga madalas exposed sa Covid-19 patients gaya ng healthcare workers.

Maging Si Quezon City Mayor Joy Belmonte ay payag ding magpabakuna ng kahit anong brand ng Covid-19 vaccine ngunit gagawin nya ito kapag mayroong nang sapat na supply sa bansa.

Ayon sa pamunuan ng Lung Center of the Philippines, 600 doses ng coronavac ang inilaan sa ospital.

150 ang nagparehistro para magpabakuna ngunit 20 healthcare workers pa lang ang binakunahan kahapon bilang bahagi ng ceremonial vaccine rollout sa ospital.

Madaragdagan pa ang mga tatanggap ng bakuna sa mga susunod na araw

Hindi naman umano mapapabilang sa wastage ang Coronavac kung hindi agad magagamit ang mga ito dahil maaari itong iimbak sa regular freezer na may 2- 8 degrees celcius

Samantala, hinikayat naman ng vaccinee number 1 ng Lung Center of the Philippines ang mga kapwa healthcare workers na magpabakuna na kontra Covid-19.

(Aiko Miguel | UNTV News)