COVID-19 vaccination drive sa mga transport hub, uumpisahan na ng DOTr

by Radyo La Verdad | January 24, 2022 (Monday) | 1650

METRO MANILA – Bubuksan na ngayong araw (January 24) ang Parañaque Integrated Terminal Exchange bilang COVID-19 vaccination site sa loob ng 5 araw.

Prayoridad dito ang mga transport worker at mga pasahero na magpapabakuna ng first o second dose, maging ang mga nais magpaturok ng booster dose.

Hanggang 500 indibidwal walk-in vaccinee ang tatanggapin nito kada araw simula alas-8 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali.

Bahagi ito ng vaccination drive ng Department of Transportation (DOTr) na layong maglaan ng ligtas na byahe kasabay ng pagpapatupad ng “No Vaccination, No Ride” Policy.

Ayon kay Acting Presidential Spokesperson Cabinet Secretary Karlo Nograles, makatutulong ito upang mas maging accessible ang vaccination site at mas mahimok ang transport workers at commuters na magpabakuna.

Kinumpirma rin ni DOTr Undersecretary for Administrative Service Attorney Artemio Tuazon Jr na patuloy nilang paiigtingin ang kanilang vaccination drive sa iba pang mga terminal ng mga pampublikong sasakyan.

Nakikipag-ugnayan na ang DOTr sa Toll Regulatory Board (TRB) kaugnay sa paglagay ng vaccination stations sa mga toll road.

Sa huling mensahe na ipinadala sa UNTV News and Rescue ni TRB Spokesperson Julius Corpus, sinabi nito na naipabatid na nila ito sa mga toll operator at hinihintay na lang ang kanilang tugon.

Wala pa ring inilalabas na pahayag ang NLEX Corporation kaugnay sa hiling na ito ng DOTr.

(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)

Tags: