COVID-19 test, hindi na requirement sa mga fully-vaccinated na foreign national

by Radyo La Verdad | May 30, 2022 (Monday) | 2716

METRO MANILA – Naglabas na ng bagong guidelines ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease (IATF-MEID) para sa mga foreign national na bibisita sa bansa.

Ayon sa Bureau of Immigration (BI), hindi na kailangan magprisinta ng RT-PCR test result ang mga dayuhan kung nakatanggap na sila ng booster shot laban sa COVID-19 virus.

Paliwanag ni BI Spokesperson Dana Sandoval, makakatulong ang pagluluwag ng guidelines upang mapataas muli ang bilang ng mga turista na bumibisita sa Pilipinas.

Mahihikayat din aniya ang mga kababayan natin abroad na umuwi ng Pilipinas upang bisitahin ang kanilang pamilya.

Bahagya nang tumaas ang bilang ng tourist arrivals sa bansa simula noong Pebrero.

Kung dati ay umaabot lamang sa 4,000 hanggang 5,000 ang dumarating sa bansa kada araw, ngayon ay nasa 15,000 na kada araw.

Subalit, ayon kay Sandoval, malayo pa ito sa bilang ng mga dumarating sa bansa bago magkaroon ng panddemya.

Umabot aniya sa 45,000 ang arrivals per day ang naitala noong 2019.

Umaasa naman ang Immigration Bureau na tataas pa ang bilang ng daily arrivals lalo na’t mas maluwag na ang guidelines.

Samantala, patuloy din ang pakikiag-ugnayan ng Bureau of Immigration sa Department of Health sa pagbabantay laban sa Monkeypox.

Handa naman magpatupad ang ahensya ng travel restrictions sakaling makita ng DOH at IATF na kailangan na ito.

(Aileen Cerrudo | UNTV News)

Tags: ,