COVID-19 survival tips, tampok sa “Padayon” handbook ng DENR

by Radyo La Verdad | November 3, 2021 (Wednesday) | 18098

METRO MANILA – Inilunsad ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang programang “Padayon” tampok ang sariling handbook ng kagawaran na naglalayong paigtingin ang kanilang mga hakbang kontra COVID-19 nitong Oktubre 25.

Ang “Payadon” handbook ay naglalaman ng mga mahahalagang impormasyon tungkol sa pamamahala at pagpigil ng COVID-19 lalo na sa mga lugar na pinagta-trabahuhan bilang suporta sa kampanya ng pamahalaan na mapigil ang pagkalat ng virus sa bansa.

Tampok rin sa handbook ang mga paraan kung paano pangalagaan ang pisikal, mental, emosyonal at espirituwal na kalusugan ng kanilang mga empleyado sa gitna ng pandemic.

Sa pahayag ni Secretary Roy Cimatu, buo ang tiwala niyang malaki ang maitutulong ng handbook na ito dahil nilalaman nito ang mga mahahalagang impormasyon tungkol sa COVID-19.

“Ipinapakita din dito kung ano ang mga dapat gawin upang maiwasang mahawaan ng COVID-19, mga gagawin sakaling mahawaan at paano mapipigilan ang pagkalat nito,” ani DENR Secretary Roy Cimatu.

Binigyang-diin din ni Secretary Cimatu na ang handbook ay karagdagang hakbang sa mga kasalukuyang patakaran ng kagawaran laban sa COVID-19.

Ang naturang proyekto ay naisakatuparan sa pagtutulungan ng DENR Strategic Communication and Initiative Services kasama ng DENR Association of Career Executives, Kalipunan ng Kagawaran ng Kalikasan, DENR Employees Union, Human Resource Development Service, Administrative Service at ng DENR Contact Tracing Team.

(Rachel Reanzares | La Verdad Correspondent)

Tags: