COVID-19 crisis sa Pilipinas, posibleng tumagal ng 2 taon – Pang. Duterte

by Radyo La Verdad | April 9, 2020 (Thursday) | 8726

MALACAÑANG, Philippines – Magdedepende pa rin sa magiging tugon ng sambayanang Pilipino ang itatagal ng krisis na dala ng coronavirus disease sa bansa ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Kung di aniya makikipagtulungan ang mga mamamayan sa ipinatutupad na mga patakaran ng pamahalaan, posibleng tumagal ng dalawang taon ang suliranin ng bansa sa COVID-19 lalo na’t wala pa ring bakuna para sa nakahahawang sakit.


“Help the country alive. I am not asking you to help the economy, wala kayong maitulong pati ako. Kasi pagka hindi ito naayos, ang COVID, mapurnada talaga tayong lahat. Think of the COVID ganitong sitwasyon, tatakbo ito ng two years,” ayon sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte.


Samantala, ayon naman kay Finance Secretary Sonny Dominguez, batay sa pinagsamang fiscal at monetary actions ng economic managers at Central Bank, higit one trillion pesos ang halaga ng programang magagamit para tugunan ng pamahalaan ang pangangailangan sa pagresponde kontra COVID-19.

Binigyan din ng kapangyarihan ng Kongreso si Pangulong Duterte na mag-reallocate ng pondo para may magamit sa pagresponde kontra coronavirus disease sa ilalim ng Bayanihan Law.


“So ang the economic managers and the Central Bank have put together a fiscal and monetary actions of a value up to date up to this date of 1.17 trillion pesos or 6.6 to 5 to six percent of the GDP. We have a long breakdown of how we have this this program. But mostly it was to provide subsidies for the low income low income families and workers of the small and medium enterprises,” ani Sec. Carlos Dominguez III,
Department of Finance.

Gayunman, may plano na rin ang Pilipinas na mangutang ng 5.6 billion US dollars sa Asian Development Bank at sa World Bank para ipangdagdag sa budget. Mas lumaki kasi ang gastusin ng bansa kaysa sa pumasok na kita dahil sa COVID-19 crisis.


Ikino-konsidera naman ni Pang. Duterte na ipagbili na ang ilang ari-arian ng pamahalaan kung talagang mauubusan na ng pondo para ipangtustos sa mga nangangailangan.


“What is the end game? Pag maubos talaga ang pera, ipagbili ko lahat ng propridad ng gobyerno. Yang Cultural Center of the Philippines, yung PICC, totoo. That’s the last, pag wala na akong makuha and we are about to sink. I will sell all the assets of the government,” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

(Rosalie Coz)

Tags: , ,