COVID-19 cases tataas pa hanggang sa katapusan ng Agosto, pagbaba ng kaso dahil sa ECQ , 4 na Linggo bago maramdaman – Octa Research

by Erika Endraca | August 18, 2021 (Wednesday) | 8735

METRO MANILA – Umakyat na sa 1.55 ang reproduction number o ang bilis ng hawaan ng COVID-19 sa NCR batay sa pinakabagong report ng Octa Research Group.

63% ng kabuoang kaso noong weekend ay naitala sa Metro Manila, CALABARZON, at Central Luzon.

Sa kabila ng umiiral na restrictions dahil sa Enhanced Community Quarantine, patuloy pa ring tumataas ang bilang ng mga naitatalang COVID-19 cases.

Paliwanag ng Octa Research, hindi talaga agad na makikita ang epekto ng ECQ.

“Syempre inaasahan natin na yung ECQ ay mapapabagal yung hawaan sa NCR. Base sa history naman natin August last year tsaka March 2021, mga apat na linggo, 4 to 5 weeks bago natin makita na magsimula na bumaba yung bilang ng kaso, hindi agad-agad nating makikita ang epekto ng Enhanced Community Quarantine.”ani Octa Research Team Fellow, Prof. Guido David.

Batay sa obserbasyon ng Octa, dumarami pa rin ang nahahawaan dahil mas maluwag ang pagpapatupad ng ECQ ngayong 2021 kumpara noong nakaraang taon.

Kaya naman inirerekomenda ng Octa na higpitan pa ang mga restriction.

“Pwede pa sigurong ano kung magdecide yung IATF na iextend pwede pa siguro nilang higpitan at least kahit yung implementation ng quarantine may nababalitaan pa rin tayo na nagkakaroon pa rin ng social gatherings sana naman magtulungan tayo mga kababayan natin”ani Octa Research Team Fellow, Prof. Guido David.

Batay sa kanilang monitoring, tumataas ang bilang ng mga naoospital na hindi pa bakunado, gayundin ang mga bata na tinatamaan ng COVID-19 kaya’t kinakailangan pa ang ibayong paghihigpit.

Sa ngayon ay ipinauubaya na ng Octa Research sa Inter-Agency Task Force Force ang pagdedesisyon kung palalawigin ang ECQ sa Metro Manila na matatapos sa August 20.

Pero batay sa kanilang projection, posibleng umakyat pa ang ICU utilization rate sa mga susunod na Linggo na ngayon ay nasa 72% na , habang tataas din sa 70% ang hospital utilization rate dahil sa bilis ng hawaan ng COVID-19.

(JP Nuñez | UNTV News)

Tags: , ,