METRO MANILA – Umapela ang Malacañang sa publiko na wag tingnan ang kabuuang bilang ng kaso ng COVID-19 sa Pilipinas na umabot na sa 1,006,428 matapos madagdag ang 8,929 na mga bagong kaso kahapon.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, sa kabuuang bilang na ito, higit sa 90% na ang mga gumaling samantalang mababa rin ang case fatality rate o bilang ng mga nasawi sa sakit sa bansa kung ikukumpara sa world average.
Aniya, ang total COVID-19 cases sa Pilipinas ay hindi negatibong repleksyon ng COVID-19 response ng pamahalaan.
“So akin po, huwag lang po nating tingnan iyong total figures, tingnan po natin iyong figures na gumagaling na halos 900,000 na at saka iyong ating case fatality rate na mababa po sa world average na so I don’t think it is a negative reflection. On the other hand dahil nga po mayroon tayong world ranking, makikita po natin na we are managing still the new variants rather well.” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.
Dagdag pa nito, mababa ang world ranking ng Pilipinas pagdating sa bilang ng impeksyon kahit may naglabasang mga new variant.
Giit naman ng opisyal, upang maiwasan ang lubha pang pagkalat ng COVID-19 cases sa bansa, dapat pang paigtingin ang mga hakbang kontra pandemiya.
“Talagang kinakailangan pabilisan natin iyong pagbabakuna at kinakailangan paigtingin pa rin natin iyong ating PDITR – prevention, detection, isolation, treatment and reintegration.”ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.
(Rosalie Coz | UNTV News)
Tags: Covid-19 Cases