METRO MANILA – Mula sa nakaraang 1.9 na reproduction number ng COVID-19 sa National Capital Region, bahagya itong bumagal sa 1.6 makalipas ang 1 Linggong pagpapatupad Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Sa pag-aaral ng Octa Research Group, nakatulong din dito ang nauna pang implementasyon ng GCQ sa NCR plus bubble area na tumagal din ng 1 Linggo.
Paliwanag pa ng mga eksperto, bumaba rin sa 20% ang bilang ng mga bagong kasong naitatala kada araw, mula sa dating umaabot ng 60% ng pagtaas sa mga nakalipas na Linggo.
“Yung trend is slowing down, or if kung iko-compare natin yung ano growth rate 1-week growth rate nag decrease sya from 60% increase to 20% ibig sabihin nyan yung number of new cases natin this week mga 5,500 it’s only a 20% percent increase from last week sa ncr yun, so nagiimprove sya and hopefully with the additional 1-week of ECQ we can reduced further the reproduction number sana mapapababa natin to 1 or close to 1” ani Octa Research Group Fellow, Prof. Guido David.
Pero paglilinaw ng Octa Research Group, masyado pang maaga para masabi kung maabot nga ang mas mababa pang reproduction rate makalipas ang 1 Linggo pang pagpapalawig ng ECQ sa NCR plus bubble.
Ganito rin ang pananaw ng Department Of Health, ayon sa tagapagsalita ng kagawaran na si Usec. Rosario Vergeire, kinakailangan pa ng 2 Linggo para makita kung epektibo ba ang ipinatupad na ECQ.
Samantala, sa kabila ng pagbaba ng reproduction number ng COVID-19 cases, ayon sa Octa Reasearch Team aabot pa rin sa 11,000 – 12,000 kada araw ang mga bagong kaso ng COVID-19.
At posibleng umabot na sa 1-Million ang kabuoang kaso ng COVID-19 sa bansa bago pa matapos ang Abril.
“Yung 1 Million total cases that will be breached before the end of April based on the projections that we are seeing” ani Octa Research Group Fellow, Prof. Guido David.
Sa pagaaral ng Octa Research Team, naitala ang bahagyang pagbagal sa mga kaso ng COVID-19 sa nakalipas na 1 Linggo sa mga lungsod ng Maynila, Paranaque, Marikina, Navotas,Pasay at Makati.
Gayunman naobserbahan naman ang bumibilis na pagdami ng mga bagong kaso sa Mandaluyong Las Pinas at San Juan City.
(Joan Nano | UNTV News)