COVID-19 cases sa PH, posibleng umabot sa mahigit 30K kada araw – Octa

by Erika Endraca | September 7, 2021 (Tuesday) | 2401

METRO MANILA – Nakapagtala ang Pilipinas ng mahigit 22,000 cases ng COVID-19, sa ikalawang pagkakataon.

Kahapon (Sept. 6), umabot ito sa 22,415, ang pinakamataas na naitala sa bansa sa loob lamang ng isang araw simula nang magkaroon ng pandemya.

Sa ganitong sitwasyon kung saan patuloy ang pagtaas ng kaso, nangangamba ang Octa Research Team na mababalewala ang ipinatupad na 2 linggong Enhanced Community Quarantine sa ilang mga lugar kung granular lockdowns na lang ang ipapatupad sa buong bansa.

Ayon kay Prof. Guido David ng Octa Research Team, sakaling tuluyan itong ipatupad posibleng pumalo sa mahigit 30,000 kaso kada araw ang maitatala sa buong bansa.

Mas matrabaho rin aniya ang pagpapatupad ng granular lockdown dahil mas madaming lugar ang babantayan.

“Kapag kalat kalat na yung cases, it’s all over the metro areas, it would be difficult to contain that using just the granular lockdown. This is manpower intensive human resource intensive for the local government. You need people to attend to the lockdown to deliver and provide food and to be there to stay on guard otherwise the lockdown will not be effective” ani Octa Research Fellow, Prof Guido David.

Kailangan din aniya ng mas maigting na contact tracing at mas malawak na COVID-19 testing kapag talagang ipatutupad na ang granular lockdown hindi lang sa NCR kundi sa buong bansa na.

Ayon naman kay former NTF Against COVID-19 Special Adviser at Health Reform Advocate Dr Anthony Leachon, mapapababa ang kaso at makakaagapay ang health system ng bansa kung ang isasailalim lang sa granular lockdown ay ang mga Brgy o komunidad na matataas ang kaso.

At ang mga rehiyon o probinsya aniya kailangan pa ring magpatupad ng akmang community quarantine restriction .

Paliwang naman ng DOH, mayroong silang data analytics group na binubuo ng iba’t ibang ahensya at mga eksperto.

Ang mga ito ang nag-aaral sa sitwasyon ng COVID-19 sa bansa batay sa nakakalap na datos ng pamahalaan.

Lumalabas sa pag- aaral ng mga ito na mas epektibo ang pagputol ng hawaan upang mapababa ang kaso sa bansa kapag tinutukan ang mga lugar na may clustering at malawak ang hawaan ng sakit o ang tinatawag na granular lockdown.

“Ano iyong areas na kailangang isara dahil mataas ang kaso without having to affect the other areas na mayroong mabababang kaso. Nakita natin sa pag-aaral na ito ang mga nagkakaroon ng maraming sakit or infections in a city for example ay halos kakaunti lang na brgy but comprises of 80% of their cases kaya mas lalo po namin ipinush na talagang kailangn siguro ay granular lockdown na lang, para hindi nagsasara ng husto at naapektuhan din po ang mga kababayan natin in terms of their livelihood.” ani DOH Spokesperson, Usec Maria Rosario Vergeire.

Paliwang pa ng DOH ang granular lockdown ay ipapatupad sa pamamagitan ng sector specific guidelines.

Ibig sabihin may susundin ang bawa’t sektor gaya ng edukasyon, trade and industry, outdoor sports at iba pang sekto kaakibat ng pagkonsidera ng alert level status pa rin ng bawa’t lugar.

Ang lahat ng ito ay ipatutupad sa bansa kapag naisapinal na ng pamahalaan.

Batay sa ulat ng DOH, ang buong bansa ay nananatiling nasa high risk classification .

Mahigit 70-80% ang okupado sa bed capacity, ICU at mechanical ventilators sa mga ospital at pasilidad. 18,292 na ang average na naitatalang kaso kada araw sa buong bansa at halos 5,000 naman kada araw sa NCR mula August 30 – Sept 5.

Ayon pa DOH, asahan pa ang peak ng kaso sa ikatlong linggo ng Setyembre. Muling paalala ng DOH sa publiko, maging responsable sa pagsunod sa umiiral na health at safety protocols.

(Aiko Miguel | UNTV News)

Tags: ,