COVID-19 cases sa bansa, posibleng maabot ang 3M mark sa kalagitnaan ng Oktubre – UP COVID-19 Pandemic Response Team

by Erika Endraca | September 17, 2021 (Friday) | 2985

METRO MANILA – Pababa na ang mga naitatalang bagong kaso ng COVID-19 sa bansa sa nakalipas na 4 na araw. matapos maitala ang highest daily COVID-19 tally noong Sabado (September 11) na umabot sa mahigit 26,000.

Ayon sa Octa Research Team, bumagal na ang hawaan ng COVID-19 sa bansa. Ang reproduction number na dating 1.35 bumaba na sa 1.23.

Pero ayon kay Professor Jomar Rabajente ng UP COVID-19 pandemic response team, kahit na bumabagal ang reproduction number, ang positivity rate naman ay mataas pa rin sa 5% benchmark ng World Health Organization (WHO).

Ilan sa mga rehiyon na nakitaan ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 ay ang Ilocos region, Bicol region, Western Visayas at Socksargen.

“Tumataas pa din ang number especially nearly 30% na positivity rate, that’s very serious kasi kung meron tatlog tao na ma- test isa doon posibleng mag- positive, and there are many people like that not just in NCR but sa buong Pilipinas lalo na kung saan ako nakatira sa Calabarzon” ani UP-COVID-19 Pandemic Response Team Spokesperson, Prof. Jomar Rabajante.

Kapag patuloy ang pagtaas ng trajectory ng mga kaso, posible umanong maabot ang peak ng COVID-19 cases sa bansa sa susunod na 2 linggo.

Sa kalagitnaan naman ng Oktubre, maaaring madagdagan pa ng 1 milyon ang bagong COVID-19 infection sa Pilipinas.

Una nang sinabi ng Department of Health (DOH) na posibleng umabot sa 43,000 ang maitatalang bagong kaso ng COVID-19 sa katapusan ng Setyembre kung hindi mapuputol ang hawaan ng nakamamatay na virus.

(Aiko Miguel | UNTV News)

Tags: ,