Pinagtibay pa ng Korte Suprema ang kapangyarihan ng Court of Appeals na rebyuhin at resolbahin ang mga petisyong kumukuwestyon sa mga order at desisyon ng Office of the Ombudsman.
Kaugnay ito ng unang suspension order na inilabas ni Ombudsman Conchita Carpio Morales laban kay dismissed Makati Mayor erwin “Junjun” Binay Jr. dahil sa umano’y overpriced Makati City Hall Building II.
Marso a-onse naglabas ng anim na buwang preventive suspension order ang Ombudsman laban kay Binay at iba pang opisyal ng Makati, na sinundan naman ng panunumpa ni Acting Mayor Romulo “Kid” Peña.
Makaraan ang ilang oras, naglabas ng temporary restraining order at writ of preliminary injunction ang CA – bagay na kinuwestyon ng Ombudsman.
Naghain ang Anti-Graft Court ng petition for certiorari and prohibition sa SC na humihirit ng tro at writ of preliminary injunction upang pigilan ang CA sa pagpapatupad ng inilabas nitong tro.
Subalit sa isinagawang en banc session ng Korte Suprema nitong martes, ipinawalang-bisa ng mga mahistrado ang posisyon ni Morales na tanging ang Korte Suprema lamang ang may kapangyarihang harangin ang preventive suspension ng Ombudsman sa pamamagitan ng injunction order, alinsunod sa Section 14 ng Republic Act 6770 o ang Ombudsman Act of 1989.
“The 2nd paragraph of the Section 14 Republic Act 6770 is declared as unconstitutional while the policy against provisional injunctive writs by courts other than the Supreme Court to enjoin an investigation conducted by the Office of the Ombudsman under the 1st paragraph of the said provision is declared ineffective.” Pahayag ni Supreme Court Public Information Chief Atty. Theodore Te.
Bukod rito, sinabi ni Te na inabandona na rin ng Korte Suprema ang condonation doctrine.
Sa ilalim ng condonation doctrine, kapag nare-elect ang isang opisyal ay hindi na ito maaaring habulin at mapanagot sa mga administratibong paglabag sa kanyang naunang termino.
Subalit nilinaw ni Te na ang abandonment ng condonation doctrine ay “prospective in effect”.
Ibig sabihin, na-iapply pa ito sa paglalabas ng CA ng WPI sa kaso ni Binay, subalit hindi na ito pwedeng iinvoke sa mga susunod na kaso.
Gayunpaman, nilinaw ng Korte Suprema na dahil sa pagpataw ng Ombudsman ng dismissal kay Mayor Binay noong Oktubre a-nueve kaugnay ng mga nadiskubreng iregularidad sa pagpapatayo ng Makati Parking Building, dapat anilang idismiss na rin ang CA petition dahil sa ito ay itinuturing nang moot and academic . (Bianca Dava/ UNTV News)
Tags: Acting Mayor Romulo Kid Peña, dismissed Makati Mayor erwin "Junjun" Binay Jr, Makati Parking Building, Supreme Court Public Information Chief Atty. Theodore Te