Court of Appeals, hindi naglabas ng TRO laban sa panibagong suspesion kay Makati City Mayor Junjun Binay

by Radyo La Verdad | July 1, 2015 (Wednesday) | 1260

MAYOR BINAY
Mananatiling epektibo ang anim na buwang suspensyon na ipinataw ng Ombudsman kay Makati City Mayor Junjun Binay.

Ito’y matapos hindi mag isyu ng TRO o Temporary Restraining Order ang 10th Division ng Court of Appeals na may hawak sa petisyon na inihain ni Mayor Binay kahapon.

Batay sa resolusyong sinulat ni Associate Justice Melchor Sadang, inatasan lamang ng C-A ang opisina ng Ombudsman at ang DILG na magsumite ng kanilang panig sa petisyon sa loob ng sampung araw.

Tatalakayin lamang ng korte ang hiling na TRO ni Binay kapag nakapagsumite na ng kanilang komento ang Ombudsman at DILG at nasagot na ito ng kampo ni Binay.

Sa kanyang petisyong inihain sa C-A kahapon, iginiit ni Mayor Binay na may grave abuse of discretion sa panig ng Ombudsman sa pag-iissue nito ng preventive suspension order sa kanya.

Ayon sa alkalde walang alegasyon na minanipula niya ang bidding sa pagtatayo ng Makati Science High School at walang matibay na ebidensiya na may sabwatan sa pagitan ng mga opisyal ng lungsod upang mapaboran ang kontraktor ng naturang gusali.

Sinabi pa ng alkalde na hindi sinuri ng Ombudsman ang mga ebidensiya laban sa kanya at sa halip ay pinaniwalaan lamang ang mga alegasyon ni Engr Mario Hechanova na may anomalya sa bidding ng phase six ng naturang proyekto.

Mali rin umano na suspendihin pa siya kaugnay ng alegasyon ng katiwalian dahil batay sa condonation doctrine ay napatawad na siya sa anomang administrative liability nang mahalal siyang muli sa pwesto noong 2013.

Ito na ang ikalawang pagkakataon na dumulog sa Court of Appeals si Mayor Binay dahil sa ipinataw na suspensyon ng Ombudsman.

Nitong nakaraang Marso, nagtagumpay ang alkalde na makakuha ng TRO mula sa sixth division at napigilan ang unang suspensyon sa kanya kaugnay ng anomalya sa pagtatayo ng Makati City Hall Building 2.

Kinuwestyon naman ng Ombudsman ang TRO sa Korte Suprema dahil wala umanong kapangyarihan ang C-A na pigilan ang pagpapatupad ng kanilang suspension order.

Dininig na sa oral arguments noong Abril ang kaso ngunit walang desisyon dito ang Korte Suprema.

Tags: ,