Court-martial proceedings kay Sen. Trillanes, itutuloy ng AFP matapos mapawalang-bisa ang amnestiya nito

by Radyo La Verdad | September 5, 2018 (Wednesday) | 1789

Pinaghahandaan na ng Armed Forces of the Philipines (AFP) ang posibleng pagdadala kay Senator Antonio Trillanes IV sa AFP Custodial Facility sa Camp Aguinaldo, sakaling matuloy ang pag-aresto dito.

Ayon kay AFP Spokesperson Col. Edgard Arevalo, sa detention cell kung saan siya unang ikinulong din idedetain ang senador.

Ipinag-utos ang pag-aresto sa mambabatas matapos ipawalang-bisa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang amnestiyang ibinigay dito ni dating Pangulong Benigno Aquino III kaugnay ng kanyang kasong military mutiny.

Kasabay ng pagpapawalang bisa ng amnestiya ng senador, ay ang pagbabalik dito sa lieutenant senior grade ng AFP at pagtutuloy ng court martial proceedings laban dito.

Dati pang nasimulan ang court martial proceedings kay Trillanes, pero nahinto ito dahil sa ibinigay ditong amnestiya. Itutuloy lang ang general court martial proceedings kung saan ito nahinto noon.

Ngunit dahil ang ilang miyembro ng court martial ay retirado na, pinag-utos ni acting AFP Chief of Staff Lieutenant General Salvador Mison Jr ang muling pagbuo ng magiging bagong miyembro nito.

Hindi pa naman makapagbigay ng konkretong detalye ang AFP kung ano ang nangyari sa huling araw ng proceedings dahil kailangan pa itong rebyuhin ng mga opisyal.

Kaugnay naman ng umano’y nawawalang application for amnesty ni Trillanes, sinabi ng AFP na tatanggapin nila ito at isasailalim sa validation kung makikita at maaaring magamit din ng senador sa kanyang depensa sa kaso.

Ayon sa AFP, naungkat ang paghahanap ng application for amnesty ni Trillanes sa dahil nanghingi ng kopya ang Office of the Solicitor General.

 

( Jl Asayo / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,