Bandang alas kwatro ng hapon kahapon ng manumpa sa harap ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio si Councilor Bernie Echavez Al-Ag bilang bagong bise alkalde ng Davao City.
Si Councilor Al-Al ay konsehal sa ikatlong distrito na nakakuha ng pinakamataas na boto sa buong ng lungsod na kabilang din sa Hukbong Tawong Lungsod Party ni Pangulong Rodrigo Duterte. Huling termino na sana ni Al-Ag bilang konsehal sa ikatlong distrito na kinabibilangan ng Baguio, Calinan, Marilog at Tugbok na sa mga malalayong lugar ng lungsod.
Ayon kay Al-Ag, wala sa kanyang plano na mapahaba pa ang kanyang termino at lalo na ang maging bise alkalde ng lungsod. Nais na sana niyang magretiro sa pulitika sa pagtatapos ng kanyang termino sa susunod na taon. Ngunit nangako ito na ipagpapatuloy ang mga programa ng dating bise alkalde at Presidential son Paolo Duterte at patuloy na susuportahan ang mga proyekto ni Mayor Sara Duterte-Carpio.
Ang pag-upo ni Al-Ag bilang bagong bise alkalde ay bunsod ng pagbibitiw sa pwesto ni dating Vice Mayor Paolo Duterte noong Dec. 25, ito ay dahil umano sa pagkakasangkot sa isyu ng korapsyon sa Bureau of Customs at away sa social media ng kaniyang anak na Isabelle Duterte.
Noong nakaraang linggo ay tinanggap na ni Pangulong Duterte ang resignation ni Pulong.
( Dianne Ventura / UNTV Correspondent )