Itinanggi ni Davao City Councillor Nilo “Small” Abellera ang mga akusasyon ng broker na si Mark Taguba sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon kahapon. Ito ay kaugnay ng pagtanggap umano niya ng limang milyong pisong enrollment fee para madaling mailabas ang shipment ni Taguba sa Bureau of Customs. Itinaggi rin nito na kasama siya sa Davao group.
Inungkat naman ni Senator Trillanes ang palitan ng text messages nina Taguba at ang isang Tita Nani noong Marso kung saan lumutang ang pangalan ng asawa ni Davao City Mayor Sara Duterte na si Atty Mans Carpio.
Ngunit kinuwestyon ni Senate Majority Leader Tito Sotto ang kinapupuntahan ng pagdinig. Hanggang sa nagkaroon ng mainit na pagtatalo sina Senators Trillanes at Sen. Richard Gordon. Tinawag ni Trillanes na komite de abswelto ang ginagawang pagdinig.
Binantaan ni Gordon si Trillanes na magsasampa ng ethics complaint at kung hindi ito titigil ay ipatatawag ang sergeant-at-arms. Hanggang sa umabot na ang dalawa sa personalan.
Namagitan na si Senator Sotto sa dalawa at sa huli humingi ng paumanhin si Senator Gordon sa nangyaring insidente.
(Nel Maribojoc / UNTV Correspondent)