Coral Reef Restoration program, isinagawa sa mga karagatan ng Bataan at Zambales

by Radyo La Verdad | November 26, 2015 (Thursday) | 2763

JOSHUA_CORAL-REEF-PROGRAM
Isa ang Pilipinas sa mga itinuturing na diving spots sa mundo dahil sa naggagandahan nating yamang-dagat.

Kabilang sa mga malimit dayuhin ng mga turista upang mag-scuba diving ay ang Subic bay sa Zambales, Bataan, Batangas, Puerto Prinsesa city sa Palawan, Zamboanga at Camiguin Island sa Mindanao.

Bukod sa malilinis na dalampasigan, makikita rin ang mga makukulay na isda, bahura at iba pang nilalang sa ilalim ng dagat.

Ngunit babala ng ilang grupo ng scuba divers, maaaring mawala ang mga ito kung hindi mareresolba ang problema sa illegal fishing at paggamit ng mga pampasabog na nakasisira sa coral reefs na pinamamahayan ng mga isda.

Bilang tugon, isang coral reef restoration program ang isinasagawa ng Department of Science and Technology-Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development katuwang ang ilang non-governmental organization at Bataan Peninsula State University.

Sa ilalim ng programa, iipunin ang fragments o mga naputol na bahagi ng corals sa ilalim ng dagat upang dalhin at i-rehabilitate sa isang underwater nursery.

Tatagal ng tatlong buwan ang rehabilitasyon o hanggang sa muling maka-recover ang nasirang bahagi ng coral bago ito ita-transplant o muling ikakabit sa mga buhay na coral.

Bago matapos ang taon, target ng DOST na makapag-transplant ng 20-libong corals sa karagatan ng Bagac, Bataan at limang libo naman sa Subic bay na may lalim na dalawampung talampakan.

Ayon sa DOST, sa pamamagitan ng programa ay mapapanatiling marami ang buhay na coral reefs at mga isda at mapapalakas ang underwater tourism sa bansa. (Joshua Antonio/UNTV Correspondent)

Tags: , ,